Lola Aida

Adelaida Bagtas

 

Habang nakatingin sa iyong ataol,
kasama ng mga halamang nakahiga sa ilalim ng iyong himbingan,
hinanap kita sa mga ala-alang nakasiksik sa iba’t ibang sulok ng aking utak,
hinahayaang dumaloy sa aking dugo ang lungkot na dala ng iyong paglisan.

Naglakad ako patungo sa nakaraan kung saan ikaw ay buhay,
at ninais kong manatili doon para ikaw ay samahan,
sa loob ng mga litratong luma na hindi masira-sira sa tibay,
gaya ng pagkakatanda ko nung sinabi mo na ayaw mo kaming iwan.

Hahanap-hanapin ko ang mga araw na hinahanap mo ako,
at ang mga pagkakataon na tinatawag mo akong mahal mong apo,
pati na rin ang makita ka sa partikular na sulok ng iyong sasakyan,
o kaya habang na sa iyong kwarto at naghihintay ng resulta ng lotto.

Hinihintay kong marinig muli ang pagbigkas mo ng “siya nga ba?”,
At ang mga lumang tugtugin na may nakalakip na istorya,
Hindi ko lubos maisip na naunahan mo pa si Cardo Dalisay,
na sinubaybayan mo mula sa simula at walang humpay.

Sa totoo lang hindi ko pa rin tanggap na wala ka na,
na hindi ko na makikitang suot mo ang bigay kong matitingkad na medyas,
pagdating ng enero, wala na ring manghihingi ng lechon,
sabay kakain ng papaya bilang panghimagas.

Pasensya na din po sa mga pangakong napako,
sa mga pagkakataon na ikaw ay nasaktan.
Hindi ko lang alam kung totoong may kabilang buhay,
pero ang sabi mo nga noon, may kapayaan sa kamatayan.

Kita kits, Lola Aida, kung saan man…
salamat na din sa lahat lahat,
Ang ala ala mo ay mananatili at patuloy na lalago.
lalakbayin ang kinabukasan dala dala ng aming mga puso.

Advertisements