Posible pala

Posible palang makipag-talik sa taong hindi mo mahal,
Posible palang ipagdikit ang dalawang katawan
kahit hindi magkaugnay ang kanilang mga puso,
Posible palang mag-dampi ang dalawang labi
kahit hindi pa nasasabi ang mga salitang ‘mahal kita’ sa isa’t isa.

Sabay sa pagkakapikit ng mata, ang panandaliang paglimot,
Punan ang mga pagkukulang sa iyo ng pagkakataon,
Gumanti sa pamamagitan ng pagpapakasarap,
Kalimutang saglit ang pait ng tadhana.

Ipikit ang mata, tuluyan munang limutin,
Ang realidad, ang mga tao, ang mga bagay, ang paligid,
Pagmasdan ang mga bagay habang nauulanan,
Ng luha, ng pawis, ng likido, at ng tubig ulan.

Posible palang kumawala sa mundong nagkukunwaring malaya,
Kumawala at magpanggap na hindi isang preso,
Sumuko sa mga pangangailangan,
Magpaakit at mang-akit,
Sa mundong makamundo.

Posible palang masarapan sa pamamagitan ng sakit,
At masaktan sa pamamagitan ng pagpapakasarap,
Iyakan ang masayang bagay,
At magpakasaya habang lunod sa kalungkutan.

Posible pala maging posible ang imposible,
At maging imposible ang inaakalang posible,
ang ipahiram ang di sa iyo,
At hiramin sa kanya ang hindi naman talaga sa kanya.
Posible pala

 

written 2013

Advertisements